Muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko kaugnay sa pagpapalakas ng “public health measures” kagaya ng muling pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar matapos ang patuloy na pagtaas ng kaso ng respiratory illness sa China at iba pang bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, tinawag na “walking pneumonia” ang sakit na idinudulot ng “pathogen mycoplasma pneumoniae”.
“Ibig sabihin nung walking pneumonia, pag-inexray mo ang isang tao, meron nang findings sa chest x-ray. Pero naglalakad pa rin, parang wala siyang nararamdaman,” ani Tayag.
Samantala, nillinaw naman ng DOH na wala pang naitatalang kaso ng ‘walking pneumonia’ sa bansa ngunit para sa mga nais na makatiyak, maaari umanong magpa-test sa ilang testing center sa bansa kagaya ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Karaniwang sintomas ng ‘walking pneumonia’ ay ang pagkakaroon ng ubo nang sobra sa dalawang linggo, lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng dibdib o hirap sa paghinga.
“At ang kaibahan ng mycoplasma pneumoniae ay tatlong linggo na inuubo ka pa rin. So kung kayo po ay inuubo na ng matagal, bukod sa tuberculosis, baka meron na kayong walking pneumonia,” dagdag pa ni Tayag.
Upang maiwasan ang malalang epekto ng sakit, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na muling magsuot ng face mask at magpabakuna ng flu vaccine na libreng ibinibigay ng ahensya.
Source: Philippine Star
Photo: Infectious Disease Advisor; BusinessWorld Online
#GoPhilippines